Header Ads

Japanese PM Abe aminadong sabik na makita ang teritoryo ni Duterte sa Davao

Personal na pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa kanyang pagbisita sa Pilipinas.


Sa kanilang pagharap sa mga miyembro ng media, sinabi ni Duterte na malaki ang tulong na ibinigay ni Abe sa bansa.

Kabilang dito ang isang multi-role response vessel sa Philippine Coast Guard at ang tulong pinansiyal para sa pagsusulong ng ilang infrastructure projects sa bansa.

Sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA), ilang mga proyekto ang maitatayo partikular na sa mga malalayong lalawigan.

Sinabi ni Duterte na isang karangalan na si Abe ang kauna-unahang lider ng isang bansa na dumalaw sa Pilipinas sa ilalim ng kanyang administrasyon.


Masaya rin ang pangulo na imbitahan si Abe sa kanyang hometown sa Davao City kung saan ay pareho silang magpupunta doon bukas.

Sa kanyang panig, sinabi ni Abe na pinili niya ang Pilipinas na unang bansang puntahan ngayong taon dahil sa mainit na pakikipag-kaibigan sa kanya ni Duterte.

Aminado rin ang Japanese leader na malaki ang kanyang paghanga kay Duterte bilang isang pinuno.

Sinabi rin ni Abe na malaki ang magiging papel ng Pilipinas bilang Chairman ng Asean Summit sa taong kasalukuyan lalo na sa pagtiyak ng kaayusan sa rehiyon.

Idinagdag pa ni Abe na handa ang kanyang bansa na tumulong sa kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga at terorismo.

Kabilang dito ang tulong ng pribadong sektor para sa pagtataguyod ng programa para tulungan ang mga nalulong sa droga.

Kabilang din sa kanyang sinabi ang kahandaan ng Japan na mas patatagin pa ang maritime industry sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa isyu ng West Philippine Sea, sinabi ni Abe na iginagalang niya ang isinusulong ni Duterte na payapang paraan para maayos ang problema sa rehiyon.

Personal ding pinasalamatan ni Abe si Duterte sa pag-imbita na pumunta sa kanyang hometown sa Davao City.

By: Den Macaranas

Tags: Davao City, duterte, Japan, shinzo abe, state visit

Loading...

pinoysourceph2016. Powered by Blogger.